Nan Biag Mid Ili- Jinky Boto-og Entry

 

ANG BUTIL

 

Ang mais.

Ano pagtatanim ng mais ay mahirap. Kailangan mo pang siguraduhing ang lupang pagtataniman mo ay angkop dito. Bubungkalin tsaka tataniman ng mga butil ng mais. Ito ay kinakailangang asikasuhin ng hindi matuyo  o kaya'y mapeste.  Didiligan ng sapat na tubig at lalagyan ng abono hanggang sa lumaki. Wag ding kalimutang bisitahin paminsan-minsan para masiguradong ito ay malusog at maganda. Paglipas ng panahon, ito ay magbubunga.  Ang isang butil ng mais na itinanim ay magiging libo pag ito'y pipitasin. Ito ay iuuwi at lulutuin, maaaring gilingin at pweding gawing ibat- ibang putahe ng pagkain.

Sa isang mala-paraisong lugar sa hilaga ng probinsiya ng Sagada, ang  mga batang ito ay bibigyang buhay ng kanilang mga magulang. Iluluwal sa paraisong ito na bigay ng panginoon at bibigyan ng mga pangalan hindi lang isa kundi dalawa na galing pa sa mga mismo naming mga ina at ama at ang  mga iba ay pangalan ng mga namayapang lolo at lola sa dahilang para hindi sila makalimutan kailanman. Sila ay ituturing na mga anghel, hindi lang mismo ng kanilang mga magulang ngunit pati rin ang mapagmahal nilang mga kapitbahay. Inaasikaso at binibigyan ng sapat na nutrisyon para sila ay panatilihing malusog at damit para masiguradong sila ay  hindi lalamigin. Habang lumilipas ang panahon,  unti-unting silang lumalaki habang natututong tumayo sa sariling mga paa at sinusubukang bigkasin ang mga salitang mama at papa. Sa edad na apat pa lamang ay tinuturuan na sila ng mga simpleng gawaing bahay gaya ng paghuhugas ng mga pinagkainan, pagwawalis, pagsasaing ng bigas, pagdidilig ng mga halaman, at pagpapakain ng mga manok. Ito ay para palakihin silang hindi tamad at kahit papaano ay marunong sa gawaing bahay. Kabilang sa mga tinuturo ng kanilang mga magulang ay ang dapat gawin at hindi dapat gawin, ang pagtulong sa mga  nangangailangan ng walang hinihiling kapalit at pagrespito sa mga  nakakatanda. Sa murang edad pa lamang ay alam na nilang maging responsable sapagkat reregaluhin sila ng kanilang mga ina ng mga anghel na tatawagin silang ate at kuya. Sa lugar na ito, kahit ilan ang gusto mong isilang ay hindi problema ng mga tao, sa halip paramihan pa sila basta't sila ay responsable at kayang gampanan ang pagiging mga magulang at ibigay ang mga pangangailangan.

Sa wakas ay pasukan na ng elementarya, ang mga batang ito ay mas makikilala ang isat-isa, ang kapitbahay ay maging kaklase na.  Hapon matatapos ang klase pero gabi na uuwi. Sampung metrong layo pa lang sa kanilang mga pinto ay makikita na ang walis na hawak ng ina papalapit sa kanila. Sila ay papaluin bago hahayaang magkwento kung bakit ginabi ng uwi. Tecs, tumbang preso, at paghuli ng gagamba na nilagay sa kahon ng posporo ang ilan sa mga paulit ulit nilang mga dahilan. Pagsapit naman ng Sabado na walang pasok, sila ay magttrabaho sa bukid, magbabaon ng sardinas at magsasalo sa maliit na kubo sa kanilang mga munting palayan. Uuwing madumi na parang ang daming ginawa, yun pala naglaro lang sa putikan kasama ang baka.  Kinabukasan naman ay sama sama silang pumupunta sa simbahan para magpasalamat sa masaganang buhay na bigay ng panginoon.

Kanilang natapos ang elementarya at magiging hayskul na. Lubak at malayong daan pero hindi ito naging hadlang para makatungtung sa paaralan. Dito sila makakakilala ng mga ibang taong galing ibang barangay at ibang probinsiya. May iba't ibang lengwahe, ugali, paniniwala, at tradisyon ang kanilang magiging kaklase pero dahil sa mga aral na natutuman nila sa kanilang lugar gaya ng pagrespito ay walang hindi pagkakaunawaan ang namagitan sa halip ay naging mabuti silang magkakaibigan habang nagtutulungan. Dito din nila mararanasan ang unang tingin ay pag-ibig. Ang pagtibok ng kanilang mga munting puso at pagbibigay ng liham at pagharana sa kanilang minamahal. May swerte at may mabibigo pero gaya ng sabi ko, hindi ito naging sagabal sa kanilang pag-aaral at pinagpatuloy parin hanggang makatapos ng kolehiyo.

Ngayon ay babalik ulit sila sa kanilang pinagmulan hawak ang mga diploma na siyang  simbolo ng kanilang tagumpay. Ang lugar na siyang isa sa bumuo ng kanilang katauhan. Sila ay babalik na may ngiti sa mga labi at  nakasuot pa ng mga makukulat na uniporme. May pulis, may guro, may nars, may doktor, may engineer, at may sundalo. Yayakapin ang mga magulang at bibigkasin ang mga salitang, "Ina, Ama! salamat sa lahat!".

Lahat sila ay nagsimula sa probinsiyang ito, dito pinalaki at pinag-aral, kaya naman hindi nila makakalimutan ang lugar na siyang pinagmulan. Ang buhay nila ay nagsimula kagaya ng sa mais.

Ang mais ay itinanim sa maayos na lupain. Sila naman ay isinilang sa lugar na puno ng inspirasyon, pagmamahal, at ligaya.

Ang mais ay diniligan at nilagyan ng abono hanggang sa tumayo. Sila naman ay hindi pinabayaan at tinuring na parang isang prinsipe o prinsesa. Lahat ng pangangailangan ay binigay pati pagmamahal ag sobra sobra.

Ang bunga ng mais, pag nasira o napeste ang isa, mahirap nitong idadamay ang iba. Sila naman, sa mga panahong dinaanan nila, hindi sila basta basta sumusunod sa ginagawa ng iba. Sinusunod nila ang sinasabi ng puso nila at ginagawa ang alam nilang tama. Hindi rin sila nagpapaapekto sa iba at nirerespito nila ano man ang kakulangan ng iba. Sila ay mananatiling matatag.

Ang mais, pwede mo itong gawing iba't ibang putahe ng pagkain. Sila ay ipinanganak na magkakapareho pero lalaking magkakaiba depende sa nais ng kanilang mga puso. Maaaring isang pulis na nagliligtas ng naaapi o kaya ay isang doktor na nagliligtas ng maysakit.  Sila ay may sariling mga isip at desisyon, hindi man magkakapareho ang kanilang patutunguhan, laging tatandaan na ang mga tao ay magkakapareho at pantay-pantay, galing sa iisang dugo, at may iisang ama sa langit.

Itatanim ang isang butil ng mais  sa susunod naman na taon at sa susunod at sa susunod pa hanggang sa dumami. Sa buhay ng isang tao, sila ay magsisilang na silang  magdadala ng mga apelyido at magpapatuloy sa kanilang mga sinimulan. Ang mga batang ito ay lalaki hanggang sa sila naman ang magsisilang na sila namang magiging susunod na henerasyon.

At ang henerasyon na iyon ay walang iba kundi ikaw at ako. TAYO.

Comments

Popular posts from this blog

Nan Biag Mid Ili- Jenny Obonan 3rd Place

Nan Biag Mid Ili- Katherine Kelly Entry

Nan Biag Mid Ili- Anonymous 2nd Place